Friday, July 22, 2011

AUGUSTINE

Ano nga ba ang kaibigan? Kasama sa paaralan, kausap sa telepono, takbuhan tuwing may problema at katulong sa maraming bagay. Ngunit sa tingin nyo ba ito lang ang mga sapat na dahilan upang masabi mo na ang isang tao ay iyo ng kaibigan? Sa mahigit tatlong taon kong pag aaral dito sa San Sebastian College Recoletos, nakilala ko ang mga taong maituturing kong tunay na kaibigan. Maaring hindi man sila perpekto ngunit masasabi ko na ang bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng isang katangiang hindi mo mahahanap sa iba.


Marahil ang katangiang ito ay ang isang bagay kung bakit maraming hindi makaintindi sa amin. Kung ikaw ay papasok sa aming silid aralan maoobserbahan mo na ang bawat isa ay nagkakaintindihan, ika nga walang iwanan. Ang problema ng isa ay problema ng lahat. Para kaming isang pamilya na marunong rumespeto sa nararamdaman ng bawat isa. Ang lahat ng bagay ay aming pinagsasaluhan, sama sama naming hinaharap ang bawat unos na darating at ang bawat tagumpay na aming tinatamasa.


Sino nga ba kami? I –Charity 1999-2000, II- Our Lady of Mt. Carmel 2000-2001, III- St. Peter 2001-2002 at ngayon IV- St. Augustine 2002-2003. Sa mga nakalipas na taong ito nakilala namin ng lubusan ang bawat isa sa amin. Saksi ang mga silid aralan na minsa’y aming naging silid, ang mga upuan na minsa’y aming inupuan, ang mga pisara na minsa’y aming ginamit upang lumawak ang aming kaalaman, ang mga guro na naging instrumento ng aming pag unlad at ang paaralang ito na minsa’y aming naging pangalawang tahanan. Oo nga kami nga ito, sinasabing pinaka maingay at pinaka magulong “first section” sa buong kasaysayan ng SSC-R. ano nga ba ang magagawa, e talagang kami ay iba.


Madalas kaming mamataan sa Mcdonalds dyan sa may Lepanto. Isang mahabang linya ng mesa ang makikita mo. Duon namin idinadaos ang bawat araw na nais naming magsama sama para sa mga simpleng okasyon. Minsan nagagalit na nga ang mga security guards sa amin dahil maingay kami, madalas kasing maririnig ang malalakas na tawanan at kuwentuhan na syang nangyayari sa aming pang araw araw. O di kaya naman sa bahay ng isa sa mga kamag aral namin, naguusap usap tungkol sa mga problema, nagdadamayan at minsa’y nagkakaiyakan pa nga. Tuwing may proyekto, kahit na iba’t iba ang mga grupo, kami ay nagtutulungan. Hindi namin ipinagdadamot ang bawat nalalaman namin.


Sabi ko nga hindi kami perpekto, minsa’y nagkakaroon din kami ng hindi pagkakaintindihan. Natural lang sa bawat isa sa amin ang magkamali, sapagkat kami din ay tao din lang. Ngunit ito’y aming pinaguusapan kuing kaya’t ang problema ay agad namang nalulutasan. Tumatayo kami ng buong tapang sa bawat pagkakadapa namin.


Hindi rin namin siguro masisisi ang iba kung bakit hindi maganda ang paningin nila sa amin. Sa bagay iba naman talaga ang tingin ng ibang mag-aaral sa mga nasa “first section”. Akala nila dahil kami ay nasa “first section” ay wala na kaming ginagawa kundi ang mag aral at mag aral na lang. Tulad din kami ng ibang magaaral, minsan nga mas malala pa ata kami sa kanila. Minsa’y napapagod din kami sa mga sunod sunod na proyekto, at nakakakuha din kami ng mababang marka sa Math. Marunong din kaming dumaldal at maglakwatsa. Normal din kaming tulad ng iba, ang pagkakaiba nga lang namin ay higit naming pinagtutuunan ng pansin ang bawat bagay na alam naming magiging parte ng aming kinabukasan.


Napagtitibay namin ang bawat relasyon ng mga kamag aral hindi lang sa loob ng silid maging sa labas man ng pinto. Hindi kailan man naging balakid ang pagiging iba ng section upang maputol na ang relasyon namin bilang magkakaibigan. Hindi man namin kasama ang isa’t isa sa iisang silid alam namin na maaring isang pader lang ang pagitan at ito’y hindi sapat na dahilan upang mapigil ang aming pinagsamahan.


Sa bawat araw na lumilipas, bawat minutong nagdaraan, bawat segundong nawawala, hindi namin maiwasang minsa’y sumagi sa aming isipan ang salitang “Salamat”. Marahil nakapagtataka, “ Salamat”, para sa lahat ng taong naging inspirasyon namin, sa aming mga guro na nagturo ng landas na ito upang tumibay ang aming pagsasamahan at sa amin syempre na nagbukas ng kani- kani lang puso’t isipan upang tanggapin ang bawat isa.


NOTE: I wrote this entry when I was still in highschool (Sept. 16,2001). I was a writer for Feedback; the official school publication of San Sebastian College Recoletos-Manila. I was inspired to write this entry because at that time our class was in the middle of shitty controversies. Despite of that, we managed to hold our shit together and ignore whatever crap that blocked our way. Unfortunately, this wasn't published because it might damage the reputation of the paper.

No comments:

Post a Comment